153
Bureau of Immigration
Dec 26, 2017 @ 17:17

Mga dayuhan sa PH, pinaghahain ng annual report sa BI

Pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng mga dayuhang rehistrado sa ahensya na kinakailangan nilang personal na magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng kawanihan para sa kanilang annual report na magsisimula sa Enero hanggang Marso 1, 2018.

Paliwanag ni BI Commissioner Jaime Morente, ang annual report ng mga dayuhang nasa bansa ay itinatakda sa ilalim ng 1951 Alien Registration Act.

Aniya, ang mga mabibigo na makatalima ay mapapatawan ng multa o hindi kaya ay pagkabilanggo.

Ang mga BI-registered alien ay mga residenteng dayuhan sa Pilipinas na naisyuhan ng immigrant o non-immigrant visa at mayhawak na alien certificate of registration identity card (ACR I-Card).

Sa paghahain ng annual report, kinakailangan umanong iprisinta ng dayuhan ang kanyang orihinal na ACR I-Card at ang ang kanyang confirmation number kung siya ay nagparehistro ng appointment sa pamamagitan ng online system at magbayad ng P300 annual report fee at P10 legal research fee.

“For aliens who are not in the Philippines during the annual reporting period, they shall make the report within 30 days from the date of their return to the country, provided they have valid re-entry permits,” dagdag ni Morente.

Para naman sa mga dayuhang menor de edad na ang gulang ay 14 pababa, ang kanilang magulang o guardian ang maghahain ng annual report para sa kanila.

Sinabi naman ni Atty. Jose Carlitos Licas, ang hepe ng BI alien registration, na ang application form, panuntunan at impormasyon tungkol sa 2018 annual report ay maaring mai-download mula sa BI website na www.immigration.gov.ph. Maricel Diaz

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?