22

Aug 12, 2020 @ 15:00
By

Mga corrupt PhilHealth official, nasa kamay na ng task force

Ang task force na binuo ng Department of Justice (DOJ) ang bahalang magpatupad ng aksiyon laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa katiwalian.

Tugon ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kahilingan sa Malacañang ni Commissioner Greco Belgica ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na sibakin na o alisin muna ang mga sangkot na opisyal sa kontrobersiya habang may ginagawang imbestigasyon laban sa mga ito.

Sinabi ni Roque na nasa task force na ang lahat ng kapangyarihan na magpatupad ng suspensiyon at lifestyle check laban sa mga inaakusahang mga opisyal.

“Ipinauubaya na po ‘yan ni Presidente sa task force na kanyang binuo dahil nandoon naman ang Civil Service Commission, nandoon ang Ombudsman. May kapangyarihan po ‘yan para mag-impose ng preventive suspension at lifestyle check. Lahat ng kapangyarihan na kinakailangan ng task force ay puwede na pong iserbisyo sa ngayon,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na batid ng Pangulo na mayroong sakit si PhilHealth President Ricardo Morales at ayaw niyang makadagdag pa sa pinapasan nitong kalbaryo sa kasalukuyan kaya ipinaubaya na sa task force ang pag-aksiyon sa kontrobersiya sa ahensiya.

“Si Presidente is really a very kind person. Lalong-lalo na may sakit si Morales, he will not add pressure to Gen. Morales and I think that’s a good trait that the President is not a bad one,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?