40

Sep 16, 2020 @ 10:26
By

Mga contact tracer ng DOH ‘di pa bayad nang ilang buwan

Tatlo hanggang apat na buwan na delayed ang pasahod para sa mga kontraktuwal na contract tracer sa ilalim ng Department of Health.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, karamihan sa 300 tauhan mula sa COVID-19 Surveillance and Quick Action Unit of the Epidemiology Bureau ang hindi pa natatanggap ang kanilang sahod ngayong Setyembre kahit na-hire sila noong Mayo at Hunyo.

Ang mga naturang kawani ay inatasang magsagawa ng contact tracing para sa mga nakasalamuha ng mga COVID-19 patient. Noong mga unang buwan ng pandemya, DOH pa ang umaasikaso ng contact tracing pero nilipat na ito kalaunan sa pangangasiwa ng mga lokal na gobyerno.

Sa ngayon, ang mga dating contact tracer ng DOH ay nage-encode na at nagba-validate ng mga coronavirus case data.

Ayon sa isang source sa ulat, sariling pera ang ginagastos ng mga kawani para maisagawa ang contact tracing o pagtawag sa mga close contact. Tapos, ire-reimburse na lang daw.

Inamin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang delayed na pasahod pero tinukoy niyang dahilan ang hindi umano kumpletong requirement ng mga empleyado.

Setyembre 5 aniya ay sinimulan na nilang madaliin ang proseso ng pagbabayad sa mga kontraktuwal na tauhan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?