92

By

Mga commuter umaray sa tigil-operasyon ng LRT-2

Sobrang perwisyo at sakripisyo para sa libo-libong mga commuter ang tigil-operasyon ng Light Rail Transit (LRT) 2, lalo na ngayong araw ng Lunes kung saan sabay-sabay na naman ang pasok sa paaralan at mga opisina.

Nakasanayan na ng estudyanteng si Jimmy Ybanez, ang araw-araw na pagsakay sa LRT-2, mula J. Ruiz sa Aurora Boulevard hanggang sa kanyang papasukan sa National University sa Mendiola, Maynila.

Subalit ngayong tigil-operasyon ang LRT-2, ay gumigising na umano siya ng alas-4 ng umaga upang hindi mahuli sa kaniyang pinapasukan dahil tiyak umano niyang marami na namang pasahero ang mag-aagawan sa dyip sa lansangan.

“Nitong tumigil kasi ang operasyon ng LRT-2, ang daming pasahero sa kalye at ang dyip ay puro punuan. Kahit sa mga estribo maraming nakasabit. Kaya kailangan maaga na ako gumayak para at least hindi ako ma-late sa klase ko ng alas-7 ng umaga,” anang estudyante.

Magugunitang nitong Biyernes, perwisyo ang inabot ng libo-libong commuter dahil sa pagtigil ng operasyon ng LRT-2 matapos masunog ang bahagi ng riles noong Huwebes.

Sa Katipunan Avenue, Quezon City, nasa gitna na ng kalsada at halos magtulakan sa pag-uunahan ang mga dating mananakay ng LRT-2 sa mga dumarating na pampasaherong jeep upang makarating lamang sa kanilang trabaho at paaralan.

Una nang inihayag ng pamunuan ng LRT2 na pansamantalang magiging limitado ang kanilang operasyon sa loob ng siyam na buwan matapos na masunog ang dalawang ‘rectifier substations’ nitong nakaraang Huwebes (October 3) sa pagitan ng Katipunan at Anonas station sa Quezon City.

Maihahalintulad ang rectifier sa transformer na kumokontrol sa daloy ng kuryente kaya hindi muna sila makakabiyahe dahil hindi pa nila matiyak ang integridad ng linya. Tinatayang nasa 200,000 tao kada araw ang gumagamit ng naturang tren.

Sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) spokesperson Hernando Cabrera, magkakaroon sila ng ‘partial operation’ mula Recto hanggang Cubao kundi Lunes ay sa Martes (October 8).

Binigyang diin naman ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya, ang ‘test runs and safety checks’ sa lahat ng equipment at facilities at titiyakin nilang kumpleto bago ang isasagawang ‘partial operations.’

Nabatid na upang tugunan ang hinaing ng maraming apektadong commuter, walong libreng shuttle bus ang ipapabiyahe ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Coast Guard sa Santolan hanggang Anonas.

Nangomisyon na rin ang LRTA ng 50 UV Express units na bibiyahe sa nasabing mga ruta, at ito ay inaprubahan naman ng MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?