112

Jun 24, 2020 @ 12:18
By

Mga celebrity na kontra anti-terror bill, sumasakay lang – Panelo

Nakatikim ng pitik mula kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo ang mga artistang Pinoy na tumututol sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Bill.

Sinabi ni Panelo na sumasakay lamang ang mga personalidad na kontra sa nabanggit na enrolled bill at umano’y hindi naman nabasa o naintindihan ang mga probisyon ng naipasang panukalang batas.

Nakikinig lamang umano ang mga celebrity sa mga tao o grupong tutol sa ATB at nagpapaimpluwensiya sa mga ito.

“Yung mga celebrities na kumokontra eh, kahit naman hindi nila nababasa, sumasakay sila. Nakikinig sila kasi doon sa mga kontra kasi, tapos nagpapaimpluwensiya sila,” ani Panelo.

Pinayuhan ng kalihim ang mga nasabing artista na pakinggan ang posisyon ni Congresswoman Lucy Torres Gomez at baka sakali’y maliwanagan ang isip ng mga ito.

Dapat din aniyang pag-aralan nila ang nabanggit na enrolled bill bago magsalita para hindi sila mapulaan o pagtawanan ng mga umano’y nakakaintindi sa panukala.

“Pakinggan nila si Congresswoman Lucy Torres Gomez, saka pag-aralan nila,” dagdag ni Panelo.

Matatandaang pinuri ng Palasyo ang paliwanag ni Torres-Gomez sa ATB, kung saan giniit nito na ang panukalang batas ay para lang umano sa mga terorista at umano’y hindi para sa mga aktibista.

Giit naman ng mga kritiko, bukod sa labag ang Anti-Terrorism Bill sa Konstitusyon 1987 ay mas madaling maituturing ng mga awtoridad bilang terorista ang sinuman, mapipigil ang free speech, at maha-harass at madiditene nang mas matagal ang sinumang tutuligsa sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?