15

Oct 17, 2020 @ 19:01
By

Mga candy na may halong marijuana nasabat sa Makati

Nahulihan ng mga pinatuyong dahon ng marijuana at mga candy na may halong “damo” ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa isang checkpoint sa Makati City, Huwebes ng gabi.

Kinilala ng Makati Police Substation 6 ang mga suspek na sina John Michael Patiño, 27, at Richard James Lorenzo, 36, kapwa residente ng Biñan, Laguna.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng checkpoint para sa pagpapatupad ng curfew ang mga pulis nang maispatan ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka sa Metropolitan Avenue sa Barangay Bel-air, Makati bandang alas-11 ng gabi.

Pinara nila ito subalit tumakas ang mga suspek pero nahuli rin ng mga pulis.

Nang kapkapan sa presinto, nakita sa bulsa ni Patiño ang may 500 mg cannabis-infused gummy candies habang isang resealable plastic na naglalaman ng marijuana leaves sa bulsa ni Lorenzo.

Umamin umano ang mga suspek na ide-deliver sana nila ang mga dahon ng marijuana at cannabis-infused gummy candies sa isang indibiduwal sa Makati.

Nagmula raw ang marijuana leaves at cannabis-infused candies sa Biñan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?