103

Jun 22, 2020 @ 22:41

Mga call center agent tinarantado sa lockdown

Pinasisiyasat ni Senador Imee Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga call center bunsod ng kanilang flexible na oras ng trabaho dulot ng pandemya ng COVID-19.

Sabi ni Marcos, idinadahilan ng mga call center ang inilabas na advisory ng DOLE, bago magpatupad ng lockdown nitong Marso, para ipitin ang sahod ng kanilang mga empleyado o kaya ay ipasa sa mga ito ang operational costs ng kumpanya para hindi malugi.

Ilan sa mga reklamong natanggap ng opisina ni Marcos ay di pagbibigay ng sahod sa nakalipas na 60 hanggang 90 araw, di-pagkakaloob ng separation benefis para sa mga inalis sa trabaho at hindi nabayarang kuryente at wifi access para sa mga pang gabing empleyado na nagta-trabaho sa kanilang mga bahay.

Kasama rin sa reklamo ang mas mahabang oras ng trabaho para sa mga work-from-home na walang dagdag na bayad sakaling bumigay ang kanilang system tools, at sapilitang maternity leave na walang kasiguraduhan kung makababalik pa sa trabaho.

“Di lang sa maliliit na kumpanya nanggagaling ang mga reklamo pati sa mga nangungunang call center na kumikita halos ng bilyon kada taon. Yung isang kumpanya nga halos kalahati ang tinanggal nila sa kanilang mga empleyado,” sabi ni Marcos.

Ayon pa kay Marcos, kailangang mahigpit na bantayan ng DOLE ang pagsunod sa batas ng mga kumpanya dahil sa posibleng mas malawak pa umano ang problema sa isyu na ito sa industriya ng BPO o business process outsourcing.. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?