22

Sep 10, 2021 @ 20:51
By

Mga bumbero gustong armasan ni Duterte

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga bumbero kahit na ang trabaho ng mga ito ay mag-apula ng sunog o apoy.

Sa kanyang talumpati sa ceremonial signing ng Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Act na ginanap sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na nahaharap din sa panganib ang buhay ng mga bumbero sa pagtugon sa tungkulin.

Bagama’t apoy aniya ang kanilang kalaban, minsan ay nalalagay sa panganib ang buhay ng mga bumbero dahil pinagbabantaan sila ng mga mamamayan na unahin ang kanilang nasusunog na bahay.

“Pag may sunog, lahat ng tao gusto unahin ang lugar nila at pag hindi magalit either they threaten the bumberos who are helpless because while fighting the fire they have also to address the challenges dito sa mga nagagalit, nagdala ng itak, minsan paputok ng baril,” anang Pangulo.

Nasa Kongreso na aniya ang mungkahing armasan ang mga miyembro ng BFP at pinagdedebatehan kung bibigyan o hindi ang mga ito ng armas.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kung hindi man uubrang armasan lahat, kahit man lang aniya ang isang unit o grupo para maproteksiyonan ang mga bumbero sa panahon ng sunog o sakuna.

Pero wala aniyang magagawa ang ehekutibo kung ayaw ng Kongreso.

“So para naman medyo buo ang loob ng mga bumbero, we thought of just arming them also, tutal they can be called upon during emergencies to contribution to the law and order of the place,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?