34

Feb 27, 2020 @ 15:15
By

Mga biyahe ng CebuPac, PAL sa SoKor tuloy pa rin

Dahil wala pang batayan para sa kanselasyon ng biyahe, tuloy pa rin ang mga flight ng Cebu Pacific at Philippine Airlines patungong South Korea.

Ito, kahit pinagbawal na kahapon, Pebrero 26, 2020, ang pagpunta ng mga Pilipino sa SoKor, liban na lang sa mga manggagawa, mag-aaral, at permanenteng residente roon.

Hinarang na rin ng gobyerno ang mga papasok na turista mula sa North Gyeongsang province kung saan naitala ang karamihan sa mga kaso ng coronavirus sa dayuhang bansa.

Sa South Korea galing ang pinakamaraming bilang ng mga turista sa Pilipinas, ayon sa 2019 data ng Department of Tourism. Halos kalahating milyong Pinoy naman ang nagpunta sa SoKor noong 2018, ayon sa isang diplomat.

Pareho namang sinabi ng CebuPac at PAL na handa na sila sakaling iimplementa ang travel ban sa South Korea.

“We are just waiting for the official advice from our regulators, but we’re already prepared to implement [the ban]… As soon as we get it, and we understand it’s forthcoming, we will be advising our passengers,” sabi ni Cebu Pacific director for Corporate Communications and Corporate Affairs Charo Logarta-Lagamon sa DZMM.

“[We are] awaiting the implementing rules and regulations from the Civil Aeronautics Board,” ayon naman kay PAL spokesperson Cielo Villaluna.

Sa ngayon, ayon sa kanilang mga opisyal, merong 40 weekly round trip ang Cebu Pacific patungong South Korea, habang may 21 round trip ang PAL doon.

Nasa 1,595 ang nagpositibo at 13 ang pumanaw dahil sa COVID-19 sa South Korea hanggang ngayong Huwebes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?