97

Dec 24, 2017 @ 17:49
By

Mga biktima ng tokhang, alalahanin ngayong Pasko – Kiko

Huwag kaligtaan ang mga biktima at naulila ng tokhang.

Ito ang panawagan ni Senador Kiko Pangilinan, president ng Liberal Party, ngayong Kapaskuhan.

Ipinapaalala ng senador na maraming pamilya ang nawalan ng saya at sigla nitong nagdaang taon dahil may kaanak na napatay o sadyang pinatay sa gitna ng giyera laban sa ilegal na droga.

“Maraming nawalan ng kasapi ng pamilya at ng kaibigan sa madugong kampanya na nagdulot ng sakit at lungkot para sa mga biktima nito,” ani Pangilinan.

Sa report ng ilang human rights group, tinukoy na higit sa 12 libo ang napatay sa drug war ng administrasyong Duterte mula noong Julyo 2016 habang iginigiit ng Philippine National Police na ito ay nasa 4,000.

Dahil sa mga kritisismo, inilipat ni Pangulong Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangunguna sa drug war noong Oktubre at taga-suporta na lamang ang PNP.

Samantala, hinikayat din ni Pangilinan ang pagkilala at pagdarasal para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa abroad at magpa-Paskong mag-isa.

Ang mga namatayan sa tokhang at ang mga OFW ay kumakatawan sa katatagan ng mga Pilipino.

“Kahit nakakalungkot, kinakatawan nila ang puso ng lumalabang Pilipino,” ani Pangilinan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?