131

Dec 27, 2017 @ 10:18
By

Mga biktima ng paputok tumaas na – DOH

Tumaas pa ang bilang ng mga naitalang sugatan dahil sa paputok, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa report ng kagawaran, umabot na sa 29 ang kabuuang bilang ng mga nasugatan ng mga paputok ngayong araw ng Miyerkules kabilang na rito ang tatlong kaso ng mga naputulan ng daliri.

Sa Naga City, tatlong menor de edad na ang nasugatan dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na piccolo.

Ito’y sa kabila ng mahigpit na ipinagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng mga paputok sa ilalim ng Executive Order No. 28.

Sinabi ni Health Assistant Secretary Lyndon Lee-Suy, ang naturang bilang ay 59 na porsiyentong mas mababa kung ikukumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.

Sa datos ng DOH noong 2016, 630 ang naitalang nasugatan dahil sa mga paputok na 32 porsiyento namang mas mababa noong 2015.

Umaasa naman si Lee-Suy na magpapatuloy ang trend ng pagbaba ng mga bilang ng nasusugatan dahil sa mga iligal na paputok. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?