8

Jan 28, 2021 @ 11:39
By

Mga biktima ng credit card fraud, huwag gipitin – Gatchalian

Hindi dapat makaranas ng panggigipit at unethical debt collecting practices ang mga biktima ng credit card fraud.

Ito ang panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian sa mga bangko idulog sa kanya ng ilang naging biktima ng mga tinatawag na financial cyber thieves na lumobo ang kanilang bayarin sa credit card dahil sa panloloko ng mga kawatan.

“Hindi na nga tama na obligahin ang mga biktima na panagutin sila sa bayarin na hindi naman nila dapat akuin, mas lalong hindi tama na pagdaanan nila ang mga mapang-abusong paraan ng paniningil ng utang o bayarin,” ayon kay Gatchalian.

“Sakaling ipasa na ng bangko sa collecting agency ang isang account, nananawagan ako sa mga bangko na bantayan nang maigi ang proseso at siguruhing hindi naha-harass ang mga account holders para lang mapuwersa silang magbayad ng halagang hindi naman nila napakinabangan,” dagdag nito.

Nauna nang inaghian si Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na naglalayong maproteksyunan ang mga credit card holders laban sa mga panggigipit na gawain ng mga inatasan ng bangko na mangulekta ng mga lumulobong utang ng kanilang kliyente.

Isang probisyon sa Senate Bill No. 1366 o ang panukalang Fair Debt Collection Practices Act ni Gatchalian ang nagbabawal ng paniningil ng utang ng account holder na under dispute o kinukuwestyon pa.

Kasama sa panukala ang pagbabawal ng pagpapataw ng mga karagdagang bayarin sa utang na sinisingil sa may ari ng account or credit card. Hindi rin maaring tanggihan ng creditor o nagpautang ang nangutang ng kaukulang impormasyon sakaling hilingin niya ito.

“Mabigat na pasanin na nga ang mga lumolobong bayarin o pagkakautang lalo na kung hindi mo naman kagagawan ito. Mistulang ginigisa sila sa sariling mantika,” sabi ni Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?