22,250
Mga Bikolano, may sariling Heart Center na
By

Mga Bikolano, may sariling Heart Center na

Hindi na kailangan pumuntang Manila ang mga Bikolano kung may sakit sila sa puso. May sarili na silang Heart Center sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda na nagsikap para mapondohan ang P300-milyon Bicol Regional Heart Center, ang pasilidad ay ugnayang proyekto ng BRTTH at Philippine Heart Center.

Pang-apat na ito sa buong bansa. Mayron itong mga espesiyalistang duktor at modernong mga kagamitan, kasama ang para sa ‘2D echo-cardiogram, coronary angiogram, angioplasty, pacemaker insertions, bypass-graft and open surgery.

Sa pamamagitan ng BRTTH Heart Center, puna ni Salceda, makatitipid sa gastos at pagod ang mga Bikolano. Mahigit 10 oras ang biyahe sa pagitan ng Legazpi at Manila. Bukod sa mga Bikolano, mapaglilingkuan din nito ang mga pasyente mula sa Eastern Visayas. Inaasahang mapagseserbisyuhan nito ang mga 4,000 pasyente sa isang taon sa mga pangangailang nila.

Mayrong ‘15 private and 20 semi-private wards, 5 executive suites, 9 coronary care units, 3 operating rooms, and six emergency rooms — three for adults and three for children’ ang pasilidad . Mayron din itong 7 ‘recovery rooms’ bukod sa 7 reserbadong iba sa karatig na ‘kidney center’.

“Sa nakaraang 21 taon, sinikap kong isulong ang BRTTH na may pinakamataas na antas ng serbisyong medikal sa Albay at Kabikulan,” diin ni Salceda na naunang nagsilbi na ng 9 na taon bilang congressman at 9 na taon bilang gubernador ng Albay hanggang 2016 kung kalian bumalik siya sa Kongreso. Ngayon wala siyang kalaban sa kanyang re-eleksiyon sa ika-2 distrito ng kanyang lalawigan.

Kamakailan, inihain niya ang House Bill 8856 sa Kamara na naglalayong lakihan sa 800 mula 250 ang ‘bed capacity’ ng BRTTH na dating isang ‘US Army barracks hospital,’ lalong pabutihin ang mga pasilidad at dagdagan ang mga tauhan nito para matugunan ang pangangailangan medikal ng buong Bikol na sumasaklaw sa mga mga lalawigan ng Camarines Norte, Camaines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate at Catanduanes.

Kasama sa mga pasilidad ng BRTTH na masikhay na tinulungan ni Salceda para magkaroon ng kaganapan ang PhilHealth Ward, ang P580-milyon ‘equipment modernization,’ ang P400-milyon Trauma ER, ang P150-milyon Bicol Cancer Institute, ang P80-milyon MRI na kasalukuyang pinagagana, ang bagong P1.7- bilyon gusali na kasalukuyhang ginagawa, ang P78-milyon pagkumpuni nito mula sa pananalasa ng Bagyong Reming noong 2006, at ang bagong Bicol Regional Heart Center ngayon, bukod pa sa nalikhang mga 630 pwesto ng mga empleyao sa nakaraang tatlong taon.

Ayon kay Salceda, sa kabila ng mga kakulangan nito, nagpupunyagi ang BRTTH na matugunan ng sapat ang pangkalusugang mga pangangailangan ng mga Bikolano para magampanan nito ang mandato ng Department of Health (DOH) na magsilbing ‘Heart, Lung, Kidney and Cancer center’ sa Kabikulan. Inaasahang lalo pang lulobo ang bilang ng mga pasyente nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?