23

Aug 19, 2021 @ 10:31
By

Mga batang San Miguel sinapian o na-pandemic fatigue?

Nababahala ngayon ang ilang mga magulang sa isang lugar sa Lungsod ng Maynila dahil sa kakaibang ikinikilos ng kanilang mga anak na may edad anim pababa.

Naging kapansin-pansin umano ang nag-iibang asal ng ilang bata sa San Miguel, Manila kaya humihingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay kung ano ang dapat gawin sa kanilang mga anak.

Batay sa pahayag ng isang magulang, napansin niyang nag-iba ang ugali ng kanyang anim na taong gulang na anak nitong nakalipas na dalawang linggo kung saan sinasaktan umano ang kapwa bata at sa ulo nito tinatamaan.

Tila umano sinasapian ang bata lalo na pagsapit ng gabi at nag-iiba rin ang hitsura nito.

“Medyo hindi maganda nagiging ugali niya. Laging sinasaktan yung bata na isa panay ulo ang tama kaya natakot ako. Parang sinasapian siya lalo sa gabi nag-iiba hitsura niya,” anang ama na hiniling huwag magpabanggit ng pangalan.

Bukod sa mga kakaibang napansin sa bata, madalas sa gabi kung sumpungin, at halos alas dos na ng madaling araw kapag natutulog at parang matanda umano kung sumagot kapag napagsasabihan.

May tatlo pang batang may kahalintulad na obserbasyon ang naireport sa ilang opisyal ng barangay kaya pinayuhan ang magulang ng mga ito na lumapit sa simbahan para matulungan ang mga ito.

Balak na umano ng mga magulang ng mga bata na ipatawas o magpatingin sa albularyo para matukoy kung sinasapian ba ang mga ito ng mga maling elemento o bunga lamang ito ng matinding pagkabagot dahil sa mahigit isang taong pananatili lamang sa loob ng bahay dulot na rin ng COVID pandemic.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?