137
bylines-milky-rigonan
Apr 22, 2018 @ 12:52
By

Mga basehan ng survey

Mahigit dalawampu na ang mga pinagpipilian ng PDP-Laban para makasama sa kanilang senatorial line up.

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, magsasagawa sila ng internal survey para pulsuhan kung sino ba ang malakas at posibleng manalo sa midterm election.

Kung pagbabasehan ang resulta ng SWS survey, mas may recall pa rin sa mga botante ang kilalang mga pangalan, kasama dito ang mga reelectionist Senators, ilang mga nagbabalik-Senado bagamat medyo kulelat pa sa mga survey ang mga nasa Executive branch.

Depensa ni Pimentel, maaga pa para pagbasehan ang mga resulta ng survey sa ngayon. Marami pa kasi ang pwedeng magbago, hindi lang sa composition ng line up ng mga kandidato maging ang alyansa ng ibat-ibang mga partido.

Sa ngayon, maliban kay Pimentel, di pa nakasisiguro ang mga reelectionist Senators na sina JV Ejercito, Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe at Cynthia Villar kung mapapasama sa line up ng administrasyon.

Marami kasi ang mga pangalan na lumabas at umaasa rin na ma-a-accomodate sa PDP-Laban kabilang ang ilan sa mga Cabinet members ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinabibilangan nina Special Assistant to the President Bong Go, Presidential Spokesman Harry Roque, Communications Assistant Secretary Mocha Uson at iba pa.

Kahit sino pa ang mga lumabas sa mga survey, may final say pa rin sa magiging komposisyon ng Senatorial slate ng PDP-Laban ay si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito kaya ang dahilan kaya ngayon pa lang, pinanghihinaan na ng loob si Senator JV Ejercito?

Mismong si Pangulong Duterte kasi ay di rin pabor na sabay na kakandidato sa pagka-Senador ang magkapatid na sina Senator JV at dating Senator Jinggoy Estrada.

Sa speech ni Pangulong Duterte sa Legazpi City noong Sabado kung saan dumalo si Senator JV, umapela ang Presidente sa magkapatid na magbigayan na lang.

Sa ngayon, mukhang imposible na may mag-gi-give way sa magkapatid dahil parehong desidido ang dalawa na kumandidato sa pagka-Senador.

Dahil marami pa ang pwedeng mangyari, may posibilidad na makipag-alyansa ang Partido ng Masang Pilipino sa PDP-Laban, kaya malamang mapabilang si Jinggoy sa Senatorial slate ng administration party.

Kung di rin magbabago ang resulta ng mga survey, sino ang ikukunsidera ng PDP-Laban?

Si Senator JV na pinangakuan ni Pimentel na ilalaban ang mga reelectionist Senators para mapabilang sa line up ng administration party, o si Jinggoy na nasa top 12 sa mga survey?

Aminado si Senator JV na kabado siya pero panghahawakan niya umano ang malinis na track record sa pagsisilbi sa Senado.

Ayon kay Senator JV, “Having two siblings running simultaneously is probably a first in Philippine politics. This will definitely be a tough challenge.Hoping that performance, track record and clean, unblemished record as public official will help pull it through.Uphill climb ako because of my predicament. Nonetheless whatever happens, it was a good 5 years I would say at the Senate”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?