188

Feb 7, 2018 @ 20:14
By

Mga bantay sa Tadeco area, pinadi-disarmahan

Ipinasisilip ng Kamara ang lupa ng Bureau of Corrections na inuupahan ng Tagum Agricultural Development Corporation (Tadeco) na pagmamay-ari ng pamilya ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, inaprubahan ng komite ang mosyon para magsagawa ng private survey sa plantasyon ng saging para matukoy kung alin ang public at private lands.

Layon din nitong matukoy ang kinaroroonan ng mga public roads patungo sa Tadeco-operated areas at mga imprastraktura na dapat daw ay nagagamit ng mga tao.

Kasabay nito’y pinadi-disarmahan ni Speaker Pantaleon Alvarez sa Philippine National Police ang mga pribadong guwardiya sa compound ng Tadeco.

“Kaya nga yung PNP inimbita rin natin, you disarm yung mga tao na yan na nagtsi-check point dyan. Dahil unang- una hindi rin yan pag-aari ng Tadeco, pag-aari ng gobyerno—Bucor,” ani Alvarez.

Wala namang kontra sa survey si Tadeco president Anthony Valoria.

Sinabi rin nito na bukas sa publiko ang mga kalsada sa Tadeco-operated properties bagama’t merong mga armadong guwardiya sa nagbabantay sa lugar laban sa mga banta gaya ng New People’s Army.

“What is gated is private land,” ayon kay Valoria.

Samantala, ibinulgar din ni Alvarez na ang barangay sa loob ng Tadeco operated area ay kontrolado ng mga Floirendo at nagagamit sa dayaan tuwing eleksiyon.

“Eto kasi ang problema dyan: yang barangay na yan, yan ang determinant factor in every election. Kino-cordon nila yan, para yung result ng elections palaging nananalo yung mayor na sinusuportahan nila. Hindi makapasok dyan yung mga kandidato,” sabi ni Alvarez.

“Kung sino yung gusto nilang manalo, kung anong boto yan, yun ang lumalabas. Kaya nagpakuha sila ng barangay diyan para sila lang ang may access. Yun yung kalokohan diyan,” dagdag ng Speaker. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?