804
npa3
Aug 23, 2019 @ 15:19
By

Mga bangkay ng dinukot ng NPA, nahukay sa mass grave

Narekober ng isang inter-agency group sa pangunguna ng 10th Infantry Division ng Eastern Mindanao Command ang mga biktima ng summary execution ng New People’s Army (NPA), Huwebes ng umaga sa Barangay Digongan, Kitaotao, Bukidnon.

Natagpuan ang mga labi ng tatlong biktima sa isang mass grave, na natunton ng militar mula sa impormasyong ibinigay ng mga dating miyembro ng Komiting Rebolusyonaryo sa Municipalidad na nagbalik-loob sa pamahalaan nitong Agosto 7, 2019.

Kinilala ang mga labi ng mga biktima na sina Joel Rey Miqu Galendez, isang retiradong pulis; Dionisio Camarullo Havana, isang Tribal Datu ng San Franz, Agusan Sur; at Army Sgt. Reynante Havana Espana.

Ang tatlo ay dinukot noong Agosto 22, 2017, nang nagsagawa ng road blockage ang NPA sa highway ng Barangay Kalagangan, Kitaotao.

Ayon kay Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Easmincom, ang pamilya ni Sgt. Espana ay regular pang nagpapadala ng pera sa NPA hanggang nitong Hulyo 2019 para pantubos sa biktima, na itinigil nila nang walang maipakitang proof of life ang mga terorista.

Nai-turnover na sa kani-kanilang mga pamilya ang mga biktima matapos ang legal at pagproseso ng SOCO sa mga labi.

Ipinaabot naman ni Eastmincom Commander Lt. General Felimon Santos Jr., ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima kasabay ng pagkondena sa ginawang lantarang paglabag ng NPA sa international humanitarian law.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?