27

Jun 8, 2021 @ 19:40
By

Mga bakunadong nagka-allergy sa unang dose, tuturukan ng ibang brand

Bibigyan ng panibagong brand ng COVID vaccine sa ikalawang dose ang mga indibiduwal na nakaranas ng matinding allergic reaction sa kanilang unang bakuna.

Ito ang inihayag sa press briefing sa Malacañang ni Dr. Lulu Bravo, director ng Philippine Foundation for Vaccination at chairperson ng National Adverse Events Following Immunization Committee.

Ayon kay Dr. Bravo, ang solusyon sa mga nagkaroon ng adverse effect sa unang bakuna ay babaguhin lamang ang brand ng ikalawang dose.

“Kung kayo po ay nagkaroon ng severe allergy or anaphylactic shock, kayo po ay hindi na eligible for the second dose. Maaari po kayong bigyan ng second dose most likely ‘yung medyo pareho noong plataporma nung una ninyong dose pero hindi na po iyong brand ng first dose,” ani Dr. Bravo.

Masaya namang ibinalita ng vaccine expert na sa loob ng halos tatlong buwang monitoring nila simula ilarga ang vaccination rollout laban sa COVID-19 ay wala silang naitalang masamang epekto ng bakuna.

Halos tatlong porsiyento lamang aniya ang underreported na napakaliit na porsiyento kumpara sa mga naitatala sa ibang bansa na umaabot sa 30-40 percent.

“Dito sa aming almost three months of monitoring, wala kaming nakitang masamang epekto ng bakuna. Walang red flag, walang masamang signal,” dagdag ni Dr. Bravo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?