145

Jan 2, 2018 @ 10:03
By

Mga bakasyunista na balik Metro Manila, dagsa na

Bulto ng mga pasahero galing sa mga probinsya sa Northern Luzon, nagsisimula nang dumating sa mga bus terminal sa Sampaloc, Maynila.

Nagsimula nang dumating ang mga bakasyunista na nagdaos ng Pasko at Bagong Taon sa hilagang bahagi ng Luzon sa mga bus terminal sa Sampaloc, Maynila.

Sa terminal ng Florida Bus sa Earnshaw Street, magkakasunod na dumating bago mag-ala sais ng umaga ang mga bus na galing ng Cagayan, Laoag at Isabela.

Ayon kay Darwin Combate, security guard ng Florida Bus, sunud-sunod na ang dating ng kanilang mga bus mula sa norte hanggang mamayang ala-syete ng umaga.

Ang susunod na bulto ng pagdating ng mga pasahero ay inaasahan naman mamayang alas dos ng hapon at ala sais ng gabi.

Sinabi pa ni Combate na inaasahan nilang ganito ang magiging sitwasyon sa kanilang terminal hanggang sa Enero a-singko.

Fully-booked na rin ang kanilang mga biyahe mula sa mga lalawigan pabalik ng Metro Manila.

Kakaunti naman na ang mga sumasakay para bumiyahe patungong Norte, katunayan may mga pagkakataon aniya na hindi na napupuno ang mga papaalis na bus.

Ganito rin ang sitwasyon sa terminal ng Victory Liner na nasa kahabaan din ng Earnshaw.

Katunayan, naookupahan na ng pila ng mga bus na papasok ng bus terminal ang isang lane ng Earnshaw.

Ang mga dumarating na pasahero ay mula sa Isabela, Baguio at Cagayan.

Sinabi ni Salve Bustos, dispatcher ng Victory Liner sa Sampaloc, na inaasahan nilang magtutuluy-tuloy ang dagsa ng pagdating ng mga pasahero hanggang sa Enero 3. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?