82

Feb 27, 2021 @ 16:06

Mga bagong COVID posibleng kumakalat sa Metro Manila – OCTA

Masyadong mabilis ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease sa Metro Manila kaya may posibilidad umanong may mga bagong variant ng COVID-19 ang kumakalat sa rehiyon, ayon sa OCTA Research Group.

Sa isang press briefing nitong Sabado, sinabi ni OCTA research fellow Guido David, na mas mabilis ang rate of infection sa Metro Manila kumpara sa Cebu at Mountain Province, ang mga lugar na nakitaan ng kaso ng United Kingdom (UK) variant.

Kaya aniya, posibleng may kinalaman ang pagkalat ng mga bagong COVID-19 variant sa pagsirit ng kaso sa National Capital Region.

“May isa pang posibility na ‘yung UK variant or some other variants like sa South African and meron na ring other US variants… may possibility na may variant na nag-i-spread dito. Bakit? ‘Yung rate of spread masyadong mabilis. Eh in fact mas mabilis pa ito, this is similar sa rate of infection na nakita natin sa Cebu and Mountain Province,” saad ni David.

Pero aniya, makukumpirma lamang ito sa pamamagitan ng genome sequencing, na ginagamit upang malaman kung may dalang mutation ang sample ng COVID-19 virus.

“Pero ‘yung scientific evidence ay manggagaling sa genome sequencing so hindi pa natin masasabi right now pero ang sinasabi natin may possibility na may variant na nag-i-spread kaya mabilis ang pagkalat niya,” dagdag ni David.

Noong Biyernes ay nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamataas na single-day tally ng bagong COVID-19 case na 2,651 kaya posible aniya na magkaroon ng 2,500 daily case ang Metro Manila sa pagtatapos ng Marso na aniya’y “concerning” kaya mahalagang mapatag ito kundi ay mao-overwhelm ang health care system ng bansa. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?