384

Mar 8, 2020 @ 16:21
By

Mga babato, sisira sa bagong tren ng PNR, ikukulong – Año

Inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) ang hanay ng pulisya at mga barangay official na arestuhin ang mga taong naninira sa mga bagong tren ng Philippine National Railways (PNR).

Kasabay nito, inutusan rin ni Año ang mga pulis at lokal na opisyal na masusing i-monitor ang mga riles ng PNR kasunod na rin ng deployment ng mga bagong tren nito.

“Inaatasan ko ang ating mga pulis at ang mga barangay official na nakatalaga malapit sa dinadaanan ng tren na maging mapagbantay at siguruhing hindi mapipinsala ang mga tren na ito para matagal pang magamit at mapakinabangan ng publiko,” ani Año.

Nagpahayag rin siya ng kalungkutan na may mga taong sadyang mapaminsala at sinasabotahe ang mga proyekto ng pamahalaan tulad ng PNR trains, sa halip na ingatan at pangalagaan ang mga ito.

“Sa oras na mahuli sila ng ating kapulisan at mga taga-barangay, kalaboso aabutin nila,” banta ng kalihim.

Magugunitang noong Pebrero, binato ang isang bumibiyaheng PNR train sa Muntinlupa City, na nag-iwan ng marka sa fiberglass window nito.

Ayon sa pangasiwaan ng PNR, dumadalas ang mga ganitong pangyayari, na ikinaalarma naman ni Año.

“There are reports that these stone-throwers are young people who are doing it for sheer fun. May mga report naman na ito ay mga residente din ng komunidad. We will arrest whoever will be behind this stupid act,” giit pa ni Año.

Pinayuhan din ng kalihim ang mga opisyal ng barangay na silang manguna sa pagbabanta at pagsumikapan na maproteksiyunan ang mga tren dahil mas malapit sila sa komunidad at sila ang mas nakakakilala sa mga pasaway na residente sa kanilang mga nasasakupan.

Hinikayat rin ng DILG chief ang mga mamamayan na agad na isumbong sa mga awtoridad kung may makikita silang mga taong naninira sa mga tren upang mapanagot ang mga ito sa kanilang ginawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?