79

Oct 19, 2020 @ 18:22
By

Mga artistang nakisawsaw sa isyu ni Nasino, nilektyuran ni Panelo

Pinagsabihan ng abogado ng Malacañang ang mga artistang nakisawsaw sa isyu ng aktibistang bilanggong si Reina Nasino na huwag basta-basta sumasakay sa isyu kung hindi naman alam ang puno’t dulo nito.

Kasunod na rin ng pag-iingay ng ilang mga showbiz personality gaya nina Liza Soberano, Agot Isidro, Anne Curtis, Leah Navarro at iba pa sa pamamagitan ng grupong Gabriela at kuwestiyunin ang naging trato ng gobyerno kay Nasino at sa nasawing sanggol nito.

Sinabi ni Panelo na may batayan ang korte kaya nakabilanggo si Nasino at mayroon naman itong karapatan para ipagtanggol ang sarili sa korte.

“Ito namang mga artista sumama na rin sa… itong si Lea Navarro, si Agot, pati naman itong si Anne Curtis, sumama ka pa. Pati itong si Bianca Gonzalez din,” ani Panelo.

Naiintindihan aniya nito ang simpatiya ng ilang artista kay Nasino bilang babae pero bago mag-ingay ay dapat na alam kung inosente o hindi ang ipinagtatanggol ng mga ito.

Sinabi ni Panelo na hindi gawain ng kasalukuyang administrasyon ang lumabag sa batas at kung mayroon mang lumabag ay hindi ito palalampasin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Alam n’yo habang nauunawaan natin na kayo ay mga babae, siyempre kabaro n’yo si Reina pero tingnan n’yo rin, huwag kayong masyadong jumping into conclusions sapagkat itong pamahalaang ito hindi gagawa ng isang bagay na labag sa batas. At kung may labag sa batas, hindi rin uubra kay Presidente. Sana po ay maunawaan n’yo,” dagdag ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?