74

Jan 2, 2018 @ 11:13
By

Mga aplikante, pila sa puwestong binakante ni Ridon – Palasyo

Marami ang interesadong masungkit ang binakanteng puwesto ni Atty. Terry Ridon bilang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na maraming aplikante na talagang magagaling at may prinsipyo subalit hindi pa nakapamili si Pangulong Rodrigo Duterte.

Mayroon na aniyang napupusuan ang Presidente subalit wala pang balita kung nakausap na niya ito.

“Ang dami po no, at maraming kuwalipikado. Kasi noong narinig nila na galing sa hirap, may puso sa hirap, may kakayanan eh marami ring nag-aaply ngayon na talagang magagaling. So tingin ko po ay hindi naman po tayo nagkukulang sa mga talento, at talagang may prinsipyo, may paninindigan, mga tao na uupo sa importanteng posisyon ng PCUP,” ani Roque.

Matatandaang inihayag ni Pagulong Duterte noong December 23,2017 sa party ng Davao Press Corps na gusto niyang ipuwesto sa PCUP si CNN awardee Efren Peñaflorida kapalit nang sinibak na si Ridon subalit wala pang update ang Palasyo hinggil dito.

Sinabi ni Roque na naging abala ang Pangulo dahil sa sunod-sunod na aberyang dulot ng bagyong Vinta at sunog sa Davao City kaya hindi na na-follow up ang bakanteng puwesto sa PCUP.

Matatandaang sinibak ni Pangulong Duterte ang lahat ng opisyal ng PCUP dahil sa malimit na biyahe sa ibang bansa gamit ang pondo ng ahensiya. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?