165

Nov 6, 2017 @ 10:53

Mga anak ni Omar Maute, iti-turnover sa DSWD

Nakikipag-ugnayan ang Iligan PNP sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pangangalaga at kustodiya ng anim na menor de edad na anak ng napaslang na terrorist leader na si Omarkhayam Maute.

Ayon ito kay PNP Regional Office 10 Director Police Chief Supt. Tim Pacleb makaraang maaresto ang ina ng mga bata na si Minhati Madrais Maute, alyas “Baby”, na asawa ni Omar Maute.

Si Minhati ay nahuli sa ilalim ng Arrest, Search, and Seizure Order Number 1 kahapon ng alas-nuwebe ng umaga sa isang joint operation ng JTF Ranao, sa isang bahay sa Steele Makers Village, Tubod, Iligan City.

Kasama ni Minhati nang siya’y arestuhin ang kanyang anim na anak.

Ito ay apat na batang babaeng may mga edad na 12, 10, 7 at 6 na taon; at dalawang batang lalaki na may edad na 2 habang ang isa ay siyam na buwan.

Dinala si Minhati kasama ang kanyang mga anak sa Iligan Police Office. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?