71
Abante-TnT--Napoles
Dec 19, 2017 @ 17:33
By

Mga anak ni Napoles, humirit ng discount sa piyansa

Nakikiusap ang dalawang anak ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles na mabigyan sila ng diskwento ng Sandiganbayan sa ilalagak na piyansa.

Ito’y ang magkapatid na sina Jo Christine at James Christopher na mga anak ni Napoles, gayundin ang kanilang tiyuhin na si Ronald Francisco Lim na nahaharap sa patong-patong na bilang ng kasong graft at malversation.

Para sa 194 na kasong kriminal na kinakaharap ng mga ito kaugnay ng P900-million Malampaya fund scam, umabot sa P66.93 million ang kailangan nilang bayarang piyansa para pansamantalang makalaya.

Pero umaangal ang mga ito sa napakalaking halaga kaya hiniling nila na mabawasan ito ng 97 porsiyento o halagang P64.86 million.

Sa urgent motion, humirit ang tatlo sa anti-graft court Third Division na payagan na lamang silang magpiyansa ng tig-P690,000 bawat isa.

Habang nakabinbin ang resolusyon sa kanilang mosyon, hiniling din sa korte ni Lim at ng magkapatid na Napoles na ipagpaliban muna ang pagpapalabas ng arrest warrants laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?