70

Mar 9, 2020 @ 18:17
By

Mga aktibidad ng San Juan gov’t suspendido sa COVID-19

Pinagpaliban na muna ng San Juan City government lahat ng kanilang mga aktibidad sa kasagsagan ng coronavirus outbreak sa bansa.

Nakasaad sa Section 3 ng Executive Order No. FMZ-034 ni San Juan Mayor Francis Zamora, na isinapubliko niya ngayong Lunes, Marso 9, 2020, na “until further notice,” kanselado lahat ng mga government-related activity, seminar, team-building, at mga pagtitipon katuwang ang gobyerno ng San Juan.

Sabi ng alkalde, ginawa ang suspensiyon matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang edad 62 na Pilipino sa San Juan City, na walang travel history abroad at madalas bumibisita sa isang Muslim prayer hall sa Greenhills, San Juan.

Alinsunod din aniya ito sa advisory ng DOH ukol sa mga pampublikong pagtitipon para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?