26

Nov 22, 2021 @ 16:40
By

Mga ahensiya pinakilos sa National Vaccination Day

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na suportahan at tumulong sa tatlong araw na ” Bayanihan, Bakunahan” program sa November 29, 30 at December 1.

Ayon kay acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, layon nito na mapabilis ang pagbakuna laban sa COVID-19 para maabot ang target population protection bago matapos ang taon.

“The President has directed all government agencies and instrumentalities to extend all possible support to the ‘Bayanihan, Bakunahan’ program spearheaded by the Department of Health and the Department of Interior and Local Government,” ani Nograles.

Target ng tatlong araw na aktibidad na mabakunahan ang 15 milyong Pilipino sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sinabi ni Nograles na sa kasalukuyan ay mayroon nang 32.9 milyong Pilipino ang fully vaccinated laban sa COVID-19 at aasahang tataas pa ang bilang sa susunod na mga araw.

Hinimok ng kalihim ang mga hindi pa nababakunahang indibiduwal na magpabakuna na para makasiguro ng proteksiyon laban sa mabagsik na virus at para maprotektahan din ang kanilang pamilya.

“We urge our unvaccinated kababayans to participate in the “Bayanihan, Bakunahan” project so that they can provide themselves and their families with the protection and peace of mind that vaccines provides its recipients,” dagdag ni Nograles.

Ngayon pa lamang ay pinasalamatan na ni Nograles ang lahat ng mga tumutulong sa pag-organisa sa tatlong araw na National Vaccination Day.

Kasama rin sa gagawing aktibidad ang pribadong sektor at iba pang stakeholder para mas maraming mga Pilipino ang mabigyan ng proteksiyon laban sa peligro ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?