43

Sep 13, 2021 @ 22:06
By

Mga abogado binarahan ILC nomination ni Roque

Kumontra ang Free Legal Assistance Group (FLAG) na mapabilang si Presidential Spokesperson Harry Roque sa International Law Commission (ILC) ng United Nations dahil sa diumano’y kawalan nito ng integridad.

Sa sulat nito sa ILC, inakusahan ng samahan ng mga human rights lawyer si Roque ng pagiging “political partisan” at pinahina ang karapatang pantao at international law.

Binanggit ng grupo ang pagtatanggol ni Roque sa extrajudicial killings sa anti-drug war at minaliit ang kakayahan ng International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa nasabing patayan.

“FLAG respectfully asks the Commission to peremptorily disregard the nomination of Mr. Roque and remove him from consideration for a seat in the Commission,” pahayag ng FLAG sa sulat na pirmado ng mga opisyal nito sa pangunguna ni Atty. Jose Manuel Diokno.

Dagdag ng FLAG, ang motibasyon ni Roque ay nakaugat sa personal na pakinabang dahil tatakbo ito sa 2022 elections.

“All these demonstrate a patent lack of integrity and character that make him utterly unworthy to even be seriously considered as part of the International Law Commission. He will bring no honor to the post he seeks, instead he will tarnish the same irreparably,” ayon pa sa FLAG.

Samantala, tinawag ni Roque na ignorante ang grupong ayaw sa kanya na maging miyembro ng ILC.

Sinabi ni Roque na hiwalay ang ILC at ICC at maraming bansang miyembro ng ILC ay hindi kabilang sa ICC.

Kasalukuyang nasa New York si Roque at iginiit na isa sa kuwalipikasyon kung bakit kasama siya sa mga nominado ay ang kanyang 15 taong karanasan sa pagtuturo ng international law sa University of the Philippines at pagiging presidente ng Asian Society of International Law.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?