32
s-korea
By

Mexico nagdiwang sa panalo ng Korea

Sharing is caring!

Sumigaw ng “Viva Korea!” ang Mexican fans nang talunin ng South Korea ang defending champion Germany 2-0 sa Kazan.

Kung nagdiwang ang Koreans, mas maingay pa ang selebrasyon ng Mexicans.

Ang dahilan: Sa panalo ng Korea, naitulak din sa knockout stages ng World Cup ang Mexico.

Nganga ang fans sa Mexico nang ibaon ng Sweden ang kanilang team sa final Group F match 3-0, kaya nameligro ang pasok sa last 16.

Nasilat ng Mexico ang Germany sa opener bago tinalo rin ang South Korea.

Kapag tinalo ng Germany ang Korea, gudbay ang Mexico sa next round dahil mas mababa ang goal differential nila. Kaya ang Mexican fans, nag-cheer para sa South Korea at sumiklab ang selebrasyon nang masorpresa ang Germany.

Out ang Germans, pasok ang Mexico. Talsik din ang South Korea pero malaking selebrasyon na sa kanila na nasilat ang defending champions.

“Korea! Korea!” ang umalingawngaw na chant sa mga bar sa Mexico City, nagyakapan sa ibabaw ng mesa nang umiskor ang Asians sa stoppage time, video assistant referee-assisted goal, sinundan ng isa pa bago natapos ang match.

“I went from crying to laughing,” pahayag ni Cecilia Gonzalez, 22-anyos na estudyanteng nag-celebrate sa pag-inom ng tequila. “Thank you Korea, I don’t even know where it is, but thank you.”

Ang ilang fans, sumugod pa sa South Korean embassy sa Mexico City para tawaging “brothers” ang South Koreans.

Sumabog ang social media sa Mexico, labasan ang iba’t ibang memes: Mexican suot ang cowboy hat at boots na nagsasayaw sa “Gangnam Style,” fake news headline na papalitan na raw ang official language nila sa Korean, pangako sa Twitter na makikinig na sa K-pop at manonood ng Korean telenovelas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?