106

By

Metrobank kakasuhan ng obstruction of justice ng PNP

Tinitingnan ng Philippine National Police (PNP) kung maaaring sampahan ng kasong obstruction of justice ang pamunuan ng Metrobank dahil sa hindi agad pagpapapasok sa mag-iimbestigang mga pulis sa ninakawang sangay nito sa Binondo, Maynila.

Ayon kay PNP chief General Oscar Albayalde, hindi dapat nade-delay o pinakikialaman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya kapag may nagaganap na krimen sa mga pribadong establisyimento katulad ng mga mall, hotel o kahit na sa mga bangko.

“When something happens in a place, that is considered a crime scene. Kailangang makapasok nang mabilis ‘yung ating investigators,” saad ni Albayalde isinagawang media interview sa Camp Crame.

Lumalabas kasi na matapos na rumesponde ang mga tauhan ng Manila Police District sa pinagnakawang Metrobank Binondo branch Huwebes ng umaga ay pinigilan ang mga pulis ng branch head na pumasok sa loob ng bangko upang magsagawa ng imbestigasyon.

Matatandaang bago mag-alas-nuwebe ng umaga, pinasok ng pitong lalaki ang Metrobank sa Binondo at matagumpay na nakatangay ng hindi pa batid na halaga ng salapi dito.

Kinailangan pa ang responde ni Manila Mayor Isko Moreno bago makapasok sa loob ng bangko ang mga mag-iimbestigang pulis makalipas ang dalawang oras.

Dagdag pa ni Albayalde, na ang pakikialam ng branch manager ng bangko ang isa sa posibleng rason kung bakit walang naaresto ang pulisya sa pitong bank robbers.

“We will check on that kasi technically, baka pwede kami makapag-file ng obstruction of justice, time is of the essence during crime incidents,” pahayag pa ni Albayalde.

Samantala ayon naman kay National Capital Region Police Office Director Police Major General Guillermo Eleazar, mayroon na umano silang mga lead sa kaso para sa pagkakakilanlan ng mga suspek, subalit sa ngayon ay hindi muna nila ito maaaring ibunyag upang hindi masira ang mga gagawing operasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?