22

By

Metro Manila naka-red alert dahil sa habagat

Sharing is caring!

Nagbabala ang pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na malakas at tuluy-tuloy na pag-uulan ay maaaring magdulot ng mga pabaha, sa kabila ng pag-alis ng bagyong Karding ngunit nananalanta naman ang hanging Habagat sa bansa.

Una nang itinaas ng NDRRMC sa red alert ang Metro Manila at ilang lalawigan na apektado ng pananalanta ng hanging Habagat bandang alas 12:00 kahapon ng tanghali dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.

Habang nananatiling naka-orange alert naman ang ilang parte ng Bataan, Zambales, Pampanga, Bulacan, Cavite at Nueva Ecija dahil sa mabababang lugar na posibleng bahain.

Sa kabila ng patuloy na pagu-ulan, tatlong malalaking dam sa bansa ang binuksan at nagbawas ng tubig ulan ngunit sa kanila nito ay panganib naman ang nakaambang para sa mga apektadong lugar.

Bandang 4:30 ng hapon ay ibinaba na ng NDRRMC sa orange rainfall alert ang Metro Manila, Rizal, Pampanga at Bulacan ngunit may paalala pa rin ng pagbabadya ng pagbaha sa ilang mabababang lugar sa Metro Manila.

Sa Camanava Area, umaabot sa mahigit 500 katao ang nanatili sa mga evacuation centers sa Malabon at Valenzuela City matapos ilikas mula sa kanilang mga kabahayan dahil sa pagtaas ng tubig sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng hanging Habagat.

Ayon kay Malabon City Public Information Office (PIO) chief Bong Padua, mahigit 200 inidividuals ang apektado ng pagbaha at nagpapatuloy naman ang mga relief goods para sa mga evacuees na nanatili sa Merville Elementary School.

Patuloy namang mino-monitor ang Barangay Dampalit na kung saan ay tumaas na hanggang baywang ang tubig.

“Ang high-tide ang ikinatatakot namin kasi kapag high-tide tapos sinabayan ng malakas na ulan ay ‘yun ang delikado”, ayon kay Padua.

Sa Valenzuela City, nasa 151 pamilya o 497 individuals ang kasalukuyang nasa Valenzuela National High School.

Ayon kay City PIO chief Zyan Caiña, tumaas ang tubig sa Tullahan River kaya patuloy silang naka-monitor habang ligtas naman ang mga residente kasabay ng pamamahagi ng reliefs good mula kay Mayor Rex Gatchalian.

Wala pa namang apektado sa Caloocan City ngunit nakasubaybay naman ang mga tauhan ng risk reduction team habang sa Navotas ay inilipat na sa evacuation center ang ilang residente na apektado ng baha.

Sa Pasig City, ilang barangay ang hindi na madaanan habang umaabot sa 1,091 pamilya o 5,176 katao ang inilikas at nanananili sa itinalagang evacuation centers.

Sa Marikina City, bumaba ng bahagya sa 16.0 meters ang water level ng Marikina River kaya ibinaba na rin sa 2nd Alarm ang warning nito subalit naman mga evacuation centers pa rin ang mga apektadong pamilya.

Samantala, inihalintulad ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang sitwasyon ngayon sa una nang naranasang pananalasa ng Bagyong Ondoy noong 2009.

Ayon kay Mayor Teodoro, taas-baba ang water level ngayon hindi tulad ng Bagyong Ondoy ay patuloy ang pagtaas sa 20.6 meters pero patuloy na nakaantabay ang Marikina rescue team para sa mga apektadong lugar.

Malaking bahagi ng Marikina ang lubog sa baha habang pinutol na rin ang supply ng kuryente sa ilang baangay matapos ang balitang may isang lalaki ang nakuryente nang lumubog sa baha sa Barangay Nangka.

Umaabot sa mahigit 3,000 pamilya ang nailikas na at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.

Samantala sa Rizal Province, mahigit sa 8,000 katao ang inilikas na dahil sa pagbaha sa kanilang lugar sa bayan ng San Mateo.

Umabot sa 24 meters o hanggang baywang ang tubig baha ayon sa municipal disaster office.

Nasa walong barangay ang apektado ng baha habang nasa 1,809 pamilya o 7,794 katao ang nasa evacuation center pa rin.

Sa Cavite, isang tulay ang bumigay dahil sa pananalasa ng hanging Habagat.

Hindi na madaanan ang tulay sa Barangay Esperanza Ilaya sa Alfonso, Cavite na ginagamit bilang shortcut patungo sa Tagaytay City.

Ilang residente ang inilikas mula sa Barangay Tanza at mahigit 450 residente ang naapektuhan ng baha, ayon sa Cavite Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Samantala sa tala ng Philippine Coast Guard, umaabot sa 638 pasahero ang na-stranded sa ilang terminal sa Bicol at Southern Tagalog dahil sa sama ng panahon.

Camarines Sur: Pasacao Port – 83 pasahero ang naghihintay na makasakay habang sa Southern Tagalog na biyaheng Batangas: Tingloy Port, nasa 26 pasahero ang stranded, Batangas: Calatagan Port – nasa walong pasahero, Northern Quezon na Real Port nasa 300 pasahero ang stranded, sa Northern Quezon na Infanta Port ay mayroong 61 pasahero ang naghihintay at sa Northern Quezon sa Polilio Port ay mayroong 160 pasahero ang stranded pa rin.

Payo ng PAGASA na delikado na bumiyahe ang mga maliliit na banca at ang pagbiyahe sa northern at western seaboards ng Luzon dahil sa hanging Habagat na patuloy na nananalasa sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?