62

Jul 17, 2021 @ 15:29
By

Metro Manila mayors praktisado na kontra Delta variant

Bago pa man makapasok sa Pilipinas ang mas nakahahawang Delta variant ay handa umano sa ganitong senaryo ang mga mayor sa Metro Manila.

Ani Metro Manila Council (MMC) Chairperson Benhur Abalos, armado sila ng PDITR o Prevent, Detect, Isolate, Treat, Rehabilitate.

Dagdag niya, kaunting pagsirit lang ng mga kaso ay nagpapatupad agad sila ng lockdown.

“We are closely monitoring cases, any surge of cases, any surge at all maski konting konti lang, clustering, granular lockdown kaagad, testing, isolation,” saad ni Abalos sa panayam sa “The Chiefs” kahapon, July 16.

“And then we will be requesting for [genome sequencing] so that we will know that indeed these are Delta. So pina-practice namin ‘yan,” dagdag niya.

Sa Linggo, July 18 aniya ay magpupulong sila upang rebyuhin din ang tungkol sa pagpapalabas sa 5-anyos pataas at hihingi ng patnubay sa mga eksperto.

“We’d have to hear their side, kinakailangan ba? Kung kinakailangan, I’m sorry but we have to
do it, talagang hinto muna namin siguro itong sa mga five year old,” wika niya.

Sa Pilipinas, may kabuuang 35 katao ang nagpositibo sa Delta variant.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dalawa sa mga ito ang pumanaw na.

Bineberipika pa ng DOH ang health status ng COVID patient sa Antique na tinamaan din ng Delta variant at sinasabing namatay din.

Samantala, sabi ni Vergeire na ang 32 pasyente ay nakarekober na.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?