53

Jun 16, 2020 @ 9:29
By

Metro Manila ‘di naka-graduate sa GCQ, Cebu City balik-ECQ

Mananatili ang general community quarantine (GCQ) status sa Metro Manila hanggang Hunyo 30.

Ito ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa nasabing rehiyon.

Samantala, binalik naman ng Presidente sa mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) ang status sa Cebu City dahil sa naitalang maraming kaso ng COVID-19 infection.

Bago nagdesisyon si Duterte ay tinalakay sa Inter-Agency Task Force meeting nitong Lunes ng gabi ang apela ng local executives sa status ng kanilang community quarantine, gaya sa Cebu City, Caraga Region, mga lalawigan sa Southern Mindanao, Pampanga at Lanao del Sur.

Nilagay naman ng Pangulo sa modified ECQ ang Talisay City, Cebu.

Ang mga lugar na sinailalim sa GCQ hanggang Hunyo 30 ay ang mga sumusunod: Metro Manila, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Santiago City; Tarlac, Olongapo City; Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, at Occidental Mindoro.

Nasa GCQ status din ang mga lalawigan sa Visayas region gaya ng Bohol, Cebu, Negros Oriental, Siquijor, Mandaue City, at Lapu-Lapu City.

Nilagay din sa GCQ ang Davao City at Zamboanga City sa Mindanao.

Ang mga hindi nabanggit na lugar sa bansa ay mananatili sa ilalim ng modified GCQ hanggang Hunyo 30.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?