84

Jan 13, 2021 @ 12:41
By

Metro Manila babalutin ng hanggang 18°C hanggang Pebrero

Sabi ng Pagasa, dapat nang asahan ng mga Pinoy ang malamig na temperatura hanggang sa dulo ng Pebrero, lalo tuwing madaling-araw.

Inaasahan ng state weather bureau na bababa ang temperatura sa Metro Manila mula 18 hanggang 24 degrees Celsius ngayong Enero.

Samantala, mula 18°C hanggang 23°C naman ang minimum temperatures sa parehong rehiyon pagsapit ng Pebrero.

“Well, take note po: ‘yung normal na air condition ay 24°C so maaaring mas lumamig pa sa 24 degrees ‘yung ating maranasan for January and February,” sabi pa ni Pagasa weather specialist Benison Estareja.

Mararanasan naman ang pinakamalamig na hangin sa mountainous Luzon kabilang ang Benguet, Baguio City at ilang lugar sa Cordillera Administrative Region. Magkakaroon sila ng low temperature ranges na mula 9 hanggang 12 degrees Celsius sa Enero, at 10 hanggang 12 degrees sa Pebrero.

Ang pinakamababang temperatura na pwedeng mararanasan sa Visayas ay 20 degrees sa Enero at 19 degrees sa Pebrero.

Habang sa lowlands Mindanao naman ay hanggang 19 degrees ngayong buwan at hanggang 18 degrees sa susunod na buwan.

Pawang dulot ito ng hanging amihan, dagdag ng Pagasa.

Itong mga datos ay kinuha mula sa Pagasa Climate Forum na ginawa ng kanilang climate monitoring and prediction section noong Disyembre 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?