26
bolts
Feb 14, 2018 @ 20:51
By

Meralco kinuryente ang Phoenix, nagkatiyansa sa playoff

Naputol na ang tatlong sunod na talo ng Meralco at nakapagbukas ito ng pinto para sa tiyansang makapasok sa playoff ng PBA Philippine Cup.

Nakuha ng Meralco ang kanilang kinakailangan na panalo matapos gapiin ang Phoenix, 92-90, nitong Miyerkoles ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

May pagkakataon sanang maipanalo ni Jeff Chan ang laro kung naipasok nito ang huling tira sa tres.

Malakas ang pag-uumpisa ng Bolts kaya naman nakapagtala ito agad ng 10-0 sa unang apat na minuto ng first quarter.

Pinangunahan ni Garvo Lanete ang opensa ng Meralco sa naitalang 24 points, na sinundan ni Cliff Hodge sa 17, kahit pa nasaktan sa banggaan kay Willy Wilson.

Lumaki hanggang sa 16 puntos ang kalamangan ng Bolts sa unang dalawang quarter ngunit pagpasok ng second half ay nagbago ang ihip ng hangin at nagapos sila ng Fuel Masters, 35-16, kaya nakahabol ang Phoenix.

Natikman ng Phoenix ang una nilang lamang sa huling 30 segundo ng third quarter, 71-70, na umabot ng lima sa pagpasok ng fourth.

Nakatakbo naman ng 5-0 ang Meralco at naitabla ang iskor, 75-all.

Dahil sa panalo, umakyat sa 3-6 ang rekord ng Bolts, habang bumagsak sa 4-5 kartada ang Fuel Masters.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?