732

By

Menor de edad 5-taong sex slave ng tatay sa Cagayan

Himas-rehas ang isang ama matapos ng limang taong paggahasa sa menor de edad niyang anak na nakatakas at nagsumbong sa pulisya nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 6, sa Agusan, Cagayan De Oro City.

Ayon kay Police Captain Mario Mantala, hepe ng Police Station 6 ng Cagayan De Oro City PNP, inamin ng suspek na kinilala lamang sa pangalang “Gilbert,” 39, upang maprotektahan ang 13-anyos na biktima na ginagahasa nito simula noong ito’y walong taong gulang pa lang.

Kwento ni Mantala, nitong Biyernes ng hapon ay humahangos na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang dalagitang biktima na hindi maayos ang pagsusuot ng damit dahil pinagtangkaan na naman siyang gahasain ng kanyang ama noong araw na iyon.

Mabilis namang rumisponde ang pulisya sa bahay ng suspek at doon ay inabutan nila ang suspek doon, nagpakilala pa itong miyembro ng Philippine Military Intelligence Group at pinakita pa nito ang kanyang magnum .357 na baril na mayroong anim na bala at isang posas.

Subalit nang hingan ng pulisya ng lisensya ang nasabing baril ay walang naipakita ang suspek dahilan upang madagdagan ang kaso nito na attempted rape, illegal possession of firearms, usurpation of authority, at multiple rape. Isasampa sa lalaki ang mga nasabing kaso bukas, Setyembre 9.
Depensa ng suspek, nagawa lang umano niya ang paulit-ulit na panggagahasa sa kanyang menor de edad na anak dahil name-miss niya ang kanyang asawa na matagal na niyang hindi nagkikita dahil nagtatrabaho ito abroad bilang domestic helper.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?