53

Jan 3, 2018 @ 18:58
By

Memo sa pagbiyahe abroad ng mga Palace officials, inilabas na

Dadaan sa mahigpit na pagbusisi ang sinumang opisyal at kawani ng ehekutibo na nais bumiyahe sa ibang bansa.

Inilabas na ng Malacañang ang mga panuntunan sa pamamagitan ng inilabas na memorandum order ng Office of the Executive Secretary (OES) para sa lahat ng mga tanggapan sa ehekutibo, pati na sa mga Government- Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Government Financial Institutions (GFIs).

Batay sa memo na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, papayagan lamang na makabiyahe sa abroad kung ito ay bahagi ng mandato ng bibiyaheng opisyal, at kung ang gastos ay hindi sobra sobra at kung ito ay magdadala ng makabuluhang pakinabang sa bansa.

Para naman sa mga personal na biyahe at personal ang dahilan, papayagan lamang ang mga opisyal o kawani ng gobyerno kung nakakuha ito ng otorisasyon mula sa pinaglilingkurang ahensiya, at nakapagsumite ng leave form at hindi makakaapekto sa operasyon ang pagliban nito sa trabaho.

Inaatasan din ang lahat ng mga pinuno ng ahensiyang nag-apruba ng travel authority na magsumite ng quarterly report sa Office of the President at isama dito ang pangalan ng mga bumiyaheng opisyal, halaga ng ginastos at iba pang detalye ng biyahe.

Ang sinumang hindi susunod sa mga nakasaad sa memo ay maaaring masampahan ng kasong administratibo, at posibleng madamay din ang pinuno ng ahensiyang nag-endorso o nag-apruba ng biyahe sa abroad.

Matatandaang ipinagbawal na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbiyahe sa abroad ng mga nasa ehekutibo dahil karamihan dito ay mga naglalakwatsa lang gamit ang pondo ng gobyerno. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?