125

Nov 3, 2018 @ 17:37
By

Melecio, Dyke asintado, UST durog sa DLSU

Dinurog ng De La Salle Green Archers ang UST Growling Tigers, 110-69, sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament sa Ynares Center sa Antipolo, Sabado, Nobyembre 3.

Simula pa lamang ng first half ay kontrolado na ng La Salle ang laro kung saan nakuha nila kaagad ang kanilang shooting.

Ganun din ang naging istorya sa second half, nag-init sa tres ang Green Archers kung kaya’t nakaiskor sila ng 34 points kumpara sa siyam lang ng UST.

Hindi na napigilan ang pagbulusok ng La Salle upang makalamang ng 41 points — ang pinakamalalang pagkatalo para kay UST head coach Aldin Ayo.

“Tulad ng sinabi ko sa mga bata, it is a result of a good practice for the whole week,” saad ni La Salle head coach Louie Gonzales.

Anim na players mula sa La Salle ang nagtala ng double-digit points na pinangunahan ni Aljun Melecio mula sa kanyang 22 points (6-of-10 shooting sa three-point line), five rebounds at six assists habang may 16 points at six rebounds si Mark Dyke.

Nakisalo naman sina Andrei Caracut at Jolo Go nang lumista sila ng 15 at 14 points sa laban, habang tig-13 naman ang iniambag nina Encho Serrano at Justine Baltazar.

Nananatili sa third spot ang La Salle, at kasalukuyan silang nagmamay-ari ng 7-4 kartada.

Lagpak ang UST sa 5-6 baraha at kahati nila sa fourth place ang UP Fighting Maroons.

Si Marvin Lee ang leading scorer para sa UST sa kanyang 26 points, habang si CJ Cansino ay may 14 points at nine rebounds.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?