537

By

Mekaniko, sekyu posibleng killers sa bank employee rape-slay

Sharing is caring!

Posibleng mekaniko, guwardiya, drayber at tambay ang may kagagawan sa karumal-dumal na sinapit ng isang bank employee na matapos gahasain ay sinunog pa saka iniwan sa isang abandonadong bahay sa loob ng impounding area na pag-aari ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Ortigas Avenue Extension, Barangay Rosario, Pasig City.

Natagpuan ang bangkay ng biktima bandang alas-12:20 ng tanghali ng Linggo na sunog ang katawan, walang saplot sa katawan na posibleng ginahasa saka inabandona sa isang parte ng Mega Bus Line Impounding Area na umuupa sa MMDA compound.

Nabatid na karamihan sa mga naninirahan sa nasabing impounding area ay pamilya ng mekaniko, guwardiya, drayber, basurero at mga tambay ng towing services at bus lines.

Batay sa report na nakalap mula kay Senior Inspector Roberto Garcia, hepe ng Investigation Division ng Pasig-PNP, nakilala ang biktima na si Mabel Cama y Tagala, 22-anyos, residente ng Ortigas Ave. Ext., Barangay Rosario, Pasig City at nagtatrabaho sa Malayan Bank, Makati City branch.

Sa imbestigasyon ng Pasig Police, dalawang “person of interest” pa lamang ang kanilang iniimbestigahan na sina Randy Oavenada, guwardiya ng impounding area at Diolan Acebuche, 23, mekaniko.

May tatlong lead pang tinitiktikan ang Pasig Police na posibleng sangkot sa pagpatay sa biktima.

Ayon kay Oavenada, nakita umano si Acebuche na nakatayo sa labas ng abandonadong gusali at napansin niya na may umuusok sa loob nito. Hindi na umano niya pinansin ang usok dahil umano sa takot na magtanong kay Acebuche.

Hanggang sa kinabukasan ay natagpuan na ang bangkay ng biktima.

Nauna rito, nagtungo sa himpilan ng Pasig Police ang ama ng biktima na si Reynaldo Cama y Talento, 53-anyos, auto electrician ng Mega Bus Line at ini-report na nawawala ang kanyang anak mula noong Biyernes pa nang umalis ito ng bahay.

Hindi matanggap ng pamilya ng biktima ang sinapit ng kanilang panganay na anak na nakatutulong ng malaki sa kanila dahil siya ang tumatayong breadwinner ng pamilya dahil sa may maayos na trabaho.

Nabatid na nasa likod lang ng compound area nakatira ang biktima at malaki ang posibilidad na palagi itong nakikita na dumadaan at binabantayan na ang oras ng pag-uwi nito at posibleng hinarang ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng follow-up investigation ang Pasig Police upang matukoy kung sino pa ang posibleng kasabwat nina Acebuche at Oavenada, at iba pang nakasaksi sa krimen na umano’y ‘person of interest’ ng pulisya.

Samantala, magbibigay ng pabuyang P50,000 ang may-ari ng Mega Bus Line na si Mayor Lourdes Briguera ng Paracale, Camarines Norte sa makapagtuturo kung sinuman ang suspek sa naganap na krimen matapos malaman ang sinapit ng anak ng isa niyang driver. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?