52

Aug 19, 2019 @ 16:46
By

Mekaniko nagbigti sa QC

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang ginawang pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ng isang mekaniko sa Quezon City (QC) nitong Linggo, Agosto 18.

Kinilala ni PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Raymond na isang auto-mechanic at residente ng Barangay Holy Spirit sa nabanggit na siyudad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Julius Vinasoy, natagpuan ang nakabigting katawan ng biktima dakong alas-5:20 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng inuupahang apartment.

Ayon sa pahayag ng nakadiskubreng kapitbahay ng biktima na si Joemy, magtatapon umano siya ng dumi ng kanyang alagang aso nang makita niya ang nakabigting katawan ni Raymond sa kisame.

Agad na tinawag ng saksi ang kanyang misis na siyang humingi ng saklolo sa mga barangay official.

Pinagtulungan nilang ibaba ang katawan subalit wala na itong buhay.

Inaalam pa ng pulisya kung may nangyaring ‘foul play’ sa nasabing insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?