96

Nov 8, 2017 @ 16:10
By

Mega drug rehab, gawing training center ng anti-drug operatives

Iminungkahi ni Senate Majority Leader Tito Sotto na gamitin bilang training center para sa mga anti-drug operatives ng gobyerno ang aalog-alog ngayong mega drug rehabilitation center sa Nueva Ecija.

Masasagad aniya ang pakinabang kung magagamit iyon para sa gamutan ng mga naging adik sa ilegal na droga at para sa pagsasanay ng mga otoridad na may atas na dumakip at sumupil sa mga sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

Para sa sampung libong pasyente ang mega rehab center pero wala pa umanong 500 ang naipapasok doon.

Ayon kay Sotto, maari iyong pangasiwaan at gawing extension ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Academy.

Maari ring gamitin ng mga operatiba ng Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Philippine National Police at National bureau of Investigation.

“PDEA can oversee it, as it can be made as an extension of the present PDEA academy. With that size, we could produce a thousand agents per batch. Alongside PDEA, other agencies such as BOC, IMMIGRATION, PNP, and NBI can avail of the drug interdiction training program.” Ani Sotto.

Puwede umanong tularan ang International Law Enforcement Academy ng Bangkok, Thailand.

Sabi ni Sotto, pwedeng magpa-imbita si Pangulong Duterte ng mga instructor buhat sa police academy ng China at Australia at pwede ring mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos para maging world class na training facility.

Naging issue ang mega drug rehab center dahil sinabi ni dating Dangerous Drugs Board (DDB) chairman Dionisio Santiago na sayang ang pondo rito dahil masyadong malaki at dapat sana ay community-based ang mga rehab facilities.

Pinagbitiw diumano ni Pangulong Duterte na siyang nagpagawa ng rehab facility. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?