19

Feb 17, 2021 @ 21:15
By

Medical expert dapat magdesisyon sa face to face class – Pasig rep

Dapat umanong bumuo ng isang team ng mga scientist at medical expert ang Department of Education (DepEd) na siyang magsasagawa ng pag-aaral kung dapat na bang ibalik ang face to face class sa bansa.

Ayon kay House Committee on Basic Education and Culture Chairman at Pasig City Rep. Roman Romulo, kailangang dinggin ng mga politiko o educator ang sasabihin ng mga eksperto upang tama ang maging desisyon ng mga ito.

Kahit na umano ang mga mayayamang bansa ay nahihirapan na ibalik ang face to face class dahil sa banta ng COVID-19.

Ipinunto rin ni Romulo na hindi kasama sa maaaring maturukan ng COVID-19 vaccine ang mga estudyante sa elementarya at junior high school na wala pang 18 taong gulang.

Sinabi ni Romulo na bago pa man ang pandemya ay malaking hamon na sa DepEd kung papaano patataasin ang kalidad ng edukasyon na mababa batay sa mga isinagawang competency review sa mga mag-aaral.

Mas lalo umanong naging mahirap ang pagpapataas sa kalidad ng edukasyon ngayon dahil sa kakulangan ng gamit para maayos na maisagawa ang online class.

Hindi na rin umano kataka-taka kung unti-unting mabawasan ang bilang ng mga estudyante na sumasali sa online class dahil sa kawalan ng load at mabagal na internet.

Kung si Romulo ang tatanungin, makabubuti umano na ang ituro na lamang ngayon sa mga Grade 1 hanggang Grade 3 ay basic skills gaya ng pagbabasa at pag-intindi sa binasa at hayaan na muna ng DepEd na hindi masunod ang checklist na ginawa nito kung ano dapat ang mga kakayanan na mayroon ang isang estudyante.

Hindi rin pabor si Romulo na magpatupad ng mass promotion ang DepEd dahil baka mas lalo umanong bumaba ang bilang ng mga mag-aaral na sumasali sa online class.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?