71

Sep 26, 2017 @ 22:58

Medical cannabis bill lusot sa Kamara

Inaprubahan na House Committee on Health ang ligalisasyon ng paggamit ng marijuana para sa medikasyon ng mga pasyenteng nangangailangan nito.

Ang nasabing panukala ay nakapaloob sa House Bill No. 180 o ang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act na iniakda ni Isabela Rep. Rodolfo T. Albano III.

Dumaan muna ang panukala sa masusing konsultasyon sa mga pasyente, advocacy groups, health care practitioners at mga eksperto ang regulasyon ng “controlled substances” para sa medical use.

Puntirya ng panukala na gawing legal ang medikal na paggamit ng cannabis o marijuana para sa mga pasyenteng may malubhang sakit.

Salig din sa panukala ang pagtatag ng Medical Cannabis Compassionate Centers (MCCC) na lisensyado ng Department of Health (DOH).

Bubuo rin ng Medical Cannabis Research and Safety Compliance Facilities (MCRSCF) na bibigyan ng lisensya ng DOH para makapagsagawa ng scientific at medical research para sa medikal na paggamit ng cannabis. (Aries Cano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?