11

Aug 4, 2020 @ 16:57
By

MECQ extension, ‘di kakayanin – Roque

Tinabla ng Malacañang ang mungkahi ng isang eksperto na paabutin ng isang buwan ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila para makita ang “flattening of the curve” ng COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na kakayanin ng ekonomiya ang matagal na lockdown kaya dalawang linggo lamang ang ipinatupad na MECQ.

Masyado na aniyang bagsak ang ekonomiya kaya kailangang makabangon nang hindi kailangang isakripisyo ang kalusugan.

“Tatapatin ko po kayo, hindi na kaya ng ekonomiya ang mas matagalan pang lockdown. Lalabas ngayon ang pigura ng second quarter GDP growth natin na napakatindi po ng ibinaba ng ating ekonomiya,” ani Roque.

Kaya aniya nagpatupad ng dalawang linggo lockdown ay para pagbigyan ang kahilingan ng medical workers na time out, at para mapaigting ng gobyerno ang mga estratehiya laban sa COVID-19.

Sinabi pa ni Roque na kung palalawigin ang lockdown makalipas ang dalawang linggo ay hindi malayong mapabagal ang COVID-19 subalit ang nakataya naman dito ay ang kawalan ng trabaho ng mamamayan at kung paano mabubuhay ang ordinaryong Pilipino kung magpapatuloy ang lockdown.

“Problema ngayon dalawang linggong lockdown kung saan makakakuha ng ayuda. Kaya ang ating mensahe sa taumbayan, kinakailangan po ingatan ang ating kalusugan para tayo makapaghanapbuhay,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?