50

By

McDaniels, TNT nakauna sa Meralco

Ibinulsa ng TNT KaTropa ang importanteng unang panalo, Linggo ng gabi matapos biguin ang Meralco Bolts, 103-94, sa Game 1 ng sarili nitong best-of-five semifinals series sa 2019 PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Namuno sa opensa ng KaTropa ang import na si KJ McDaniels sa itinalang 38 puntos sa likod ng 13-of-26 field goal kasahog pa ang 14 boards at tigatlong assist at supalpal.

May 17 markers, 8 caroms at 7 feeds ang Best Player of the Game na si Castro para tulungan ang TNT na makuha ang 1-0 bentahe sa race-to-three series.

Itinala ng Katropa ang anim na puntos na abante sa unang hati ng labanan bago umarangkada sa ikatlong yugto sa pagtatala ng pinakamalaking 22 puntos na abante, 87-65, mula sa free throw ni Mcdaniels.

Hindi natinag ang TNT sa ikaapat na yugto matapos na maghulog ng 17-4 run ang Bolts upang lumapit sa siyam na puntos na lamang sa 82-91 upang tuluyan nitong angkinin ang panalo.

“Tulungan lang kami sa team, malakas kami sa opensiba kaya lang kailangan pa rin namin magkonsentra sa depensa,” sabi ni Castro.

Nagdagdag si Roger Pogoy ng 18 puntos, 2 rebounds, 1 assist at 2 steals para sa KaTropa.

Hindi naglayo ang dalawang koponan sa unang hati kung saan naghabol muna ang KaTropa sa anim na puntos bago ibinigay ni Bobby Ray Parks Jr. sa floating jump shot sa natitirang 1:18 minuto ng ikalawang yugto ang 47-41 abante.

Agad naman itinala ng Bolts ang anim na puntos na abante sa 6:31 minuto ng unang yugto mula sa free throw ni Chris Newsome para sa 13-7 kalamangangan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?