117
abante-tnt-vismin-andaya
Jul 29, 2018 @ 16:05
By

Mayorya dumistansya sa agawan sa minorya sa Kamara

Ayaw makiaman ng hanay ng mayorya sa bangayan kaugnay ng usapin ng pagiging minorya sa Kamara.

Ayon kay Deputy Speaker Rolando Andaya, hindi manghihimasok ang mga miyembro ng mayorya kung paanong boboto ang minority bloc at kung sino ang kikilalanin nilang kandidato.

“Siguro, kung talagang aabot sa punto na kailangang magdesisyon, siguro ‘yung guidelines lang kung paano ang pagpili nila. ‘Yung aktwal na pagpili ng pinuno, hindi kami puwede. Sila lang ang puwedeng magresolba,” sabi ni Andaya.

Binanggit ni Andaya na sumulat kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang mga miyembro ng Liberal Party, grupo ni dating Speaker Pantaleon Alvarez at Quezon Rep. Danilo Suarez na pare-parehong nagpahayag ng intensyong maging minorya.

Samantala, apat o limang komite anya ang maaaring mapalitan ang chairman kasunod ng pagpapalit ng liderato sa mababang kapulungan.

Sinabi rin ni Andaya na apat na pangalan ang ikinukunsidera para maging bagong majority leader na pipiliin ngayong linggo. Tumanggi ang mambabatas na tukuyin kung sino-sino ang pinagpipilian.

“Magkakaroon ng konting pulung-pulong, at doon pagdedesisyonan kung sino ang maitatalagang permanenteng majority leader at ‘yung mga susunod pang opisyal,” ani Andaya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?