49

Jan 13, 2022 @ 16:20
By

Mayor Sara solid kay Marcos Jr.

Ibinasura ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang hirit ng ilang supporter nito na iwanan si dating senador Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang video na ipinost sa Facebook, sinabi ni Carpio na nananatiling si Marcos Jr., ang kanyang running mate at tiwala umano siya sa kakayahan nito na pamunuan ang bansa.

“Lagi ring nandiyan si Bongbong Marcos, ang aking kandidato [sa] pagka-pangulo. Dahil sa kanyang karanasan sa pamamahala, naniniwala ako sa kahandaan at kakayahan ni BBM na pamunuan ang ating bansa,” sabi ni Carpio.

Si Carpio ay umanib sa Lakas-CMD at tumakbo sa pagka-bise presidente sa kabila ng mga udyok sa kanya na tumakbo sa pagkapangulo. Kinalaunan ay nakipag-alyansa ito kay Marcos ng Partido Federal ng Pilipinas.

“Nang nagdesisyon akong tumakbo [sa] pagka-vice-president, pinili ko pong maging ka-tandem si BBM. Dahil dito, nabuo ang Uniteam BBM-Sara. Nangako rin ako ng katapatan sa alyansang aking pinasok kasama ang Lakas-CMD Party at Partido Federal ng Pilipinas. Mahalaga po sa akin ang paninindigan at isang salita,” giit ni Carpio.

Sinabi ni Carpio na iginagalang nito ang desisyon ng kanyang mga supporter na ibang kandidato sa pagka-pangulo ang suportahan bagama’t nais niya na ikonsidera ng mga ito si Marcos alang-alang sa kinabukasan ng bansa.

“Alam ko po na pareho ang ating mga adhikain para sa ating bansa. At para magtagumpay tayo, dapat ay iisa lang ang daang ating tinatahak. Kung kaya patuloy akong umaasa ng suporta ninyo sa UniTeam. Mahalaga ang pagpili ng isang team na maglilingkod sa ating bayan. Handa ang UniTeam BBM-Sara para harapin ang mga hamon sa pamamahala. Mahalin natin ang Pilipinas,” dagdag pa ni Carpio.

Mayroong mga nagtutulak ng Masa o tambalang Sen. Manny Pacquia-Sara at IsSa o Manila Mayor Isko Moreno-Carpio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?