136

Nov 10, 2021 @ 15:14
By

Mayor Sara posibleng umanib sa Lakas-CMD- Salceda

Posible umanong tumakbo si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio sa pagkapangulo sa ilalim ng Lakas-Christian Democrats (Lakas-CMD).

Sinabi ito ni Albay Rep. Joey Salceda matapos sabihin ni Commission on Elections (Comelec) spokesman James Jimenez na hindi maaaring tumakbo si Carpio sa isang national position sa ilalim ng Hugpong Ng Pagbabago (HNP), na isang regional party.

“Mukhang hindi sa PDP,” sabi ni Salceda na ang pinatutungkulan ay ang PDP-Laban na partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nang tanungin kung saang partido tatakbo si Carpio kapag tumakbo ito sa pagkapangulo, sagot ni Salceda: “Malakas ang possibility sa Lakas”.

“May gulo pa kasi sa Comelec ang PDP so obviously hindi siya doon tatakbo,” dagdag pa ni Salceda na ang pinatutungkulan ay ang girian sa PDP-Laban sa pagitan ng grupo nina Energy Secretary Alfonso Cusi III at Sen. Koko Pimentel.

Ang Lakas-CMD ang nasa likod nina Pangulong Fidel Ramos at Gloria Macapagal Arroyo.

Isang miyembro ng Lakas-CMD, si Anna Capilla Velasco ay naghain ng certificate of candidacy sa pagkapangulo. Maaari siyang palitan ni Carpio hanggang Nobyembre 15.

Isa pang miyembro ng Lakas-CMD, si Lyle Fernando Uy ay naghain naman ng COC sa pagka-bise presidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?