15

By

Mayor Sara kakasuhan ang gumagamit ng kanyang pangalan

Sharing is caring!

Binalaan ni Davao City mayor Sara Duterte ang mga grupo o sindikatong gumagamit ng kanyang pangalan para magkapera na kakasuhan ang mga ito.

Kasunod na rin ito ng mga natanggap na ulat ng alkalde na ilang grupo umano ang gumagamit ng kanyang pangalan para manghingi ng pera bilang membership fee at bayad sa identification card (ID) para maging miyembro ng mga programa ng kanyang tanggapan.

Ayon kay Mayor Sara, pinapa-check na niya sa anti-scam unit ng Davao City government ang report para matukoy kung may katotohanan ang panghihingi umano ng pera ng mga sindikato.

Sinabi ng alkalde na mahaharap sa kasong estafa ang mga mapapatunayang sangkot sa raket kayat hiniling ang mga posibleng nabiktima ng grupo na maghain ng reklamo.

“We refer this information to the anti-scam unit so that they can check if these reports really exist,” anang alkalde.

Binigyang-diin ni Mayor Sara na wala siyang pinapayagang sinoman para mangulekta ng pera kapalit ng serbisyong ipinagkakaloob ng kanyang pangasiwaan.

Kabilang sa mga grupong natukoy na gumagamit ng kanyang pangalan para makakulekta ng pera ay ang Mindanao Grassroots People’s Coalition, Caesar City Corporation, Mindanao Bunkers Monetary Council, Mindanao Indigenous Sovereign People for CCC, Mindanao Golden Mind Filipino, Mindanao Filipino Religious Sectors, at Mindanao Filipino Youth Leaders for CCC.

Idinulog na ng anti-scam unit ang isyu sa National Bureau of Investigation (NBI) para agad na maaksiyonan at makasuhan ang mga scammers.()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?