12

Jan 28, 2021 @ 18:17
By

Mayor Sara ginagamit ng scammer

Binalaan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang publiko laban sa mga scammer na gumagamit sa kanyang pangalan para makalikom ng pera.

Sa video message ng alkalde, nilinaw nito na wala siyang binigyan ng pahintulot para mangilak o manghingi ng donasyon na gagamitin umano sa kanyang pagtakbo sa pagka-Presidente.

“Wala po itong pahintulot mula sa akin. Wag po kayong maniwala, wag po kayong magbigay. Ito po ay scam o uri ng panloloko. Magagamit lang ang perang malilikom sa fund raising na ito sa mga pansariling interes ng mga taong nasa likod nito,” ani Mayor Sara.

Sinabi ng alkalde na batay sa nakarating na impormasyon sa kanya, mga grupo ng mga negosyante at ilang pribadong indibiduwal ang nilapitan umano ng mga scammer para manghingi ng pera.

“Nakarating po sa akin ang balita na may ilang indibiduwal na humihingi ngayon ng pera mula sa ibang tao at iba’t ibang mga grupo kabilang na diyan ang mga negosyante para daw gamitin na campaign fund sa aking pagtakbo bilang Presidente,” dagdag ng alkalde.

Hinimok ni Mayor Sara ang publiko na i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kapag may mga taong lumalapit sa kanila para manghingi ng pera gamit ang kanyang pangalan.

“Inuulit ko po huwag po kayong magbigay ng pera. Huwag po kayong magpaloko sa campaign fund raising na ito. Maaari ninyong i-report ang mga ganitong aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulis,” wika ng alkalde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?